Rosas, tsokolate, stuffed toys, harana, at good vibes ang handog ng MRT-3 para sa mga pasahero nito sa Araw ng mga Puso, Pebrero 14.
Personal na namahagi si Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino ng nasabing Valentine's treat sa mga pasahero, bilang pagpapasalamat sa patuloy na pagtangkilik ng mga ito sa MRT-3.
"Gusto po nating ipakita kahit sa munting paraan ang taos-pusong pasasalamat ng MRT-3 sa ating mga pasahero sa kanilang pagtangkilik sa ating linya. Sulit na sulit po ang pagod ng ating mga kawani, mula train drivers, maintenance crew, at ticket sellers sa kapalit na ngiti ng ating mga pasahero. Ito rin po ang rason kung bakit patuloy rin pong nagsusumikap ang MRT-3 na pagbutihin ang serbisyo araw-araw kahit hindi man Valentine's Day," saad ni Asec. Aquino.
Sumakay ng "Love Train" si Asec. Aquino kasama ang iba pang opisyal ng MRT-3 mula sa North Avenue Station hanggang Ayala Station kung saan ginanap ang programa.
"Patuloy rin pong aabangan ng ating mga pasahero ang MRT-3 Love Train na maghahatid ng masaya, ligtas, at komportableng biyahe hanggang sa katapusan ng Pebrero," dagdag pa ni Asec. Aquino.
Sa parehong programa, namahagi rin ang MRT-3 ng mga regalo sa mga nanalo sa pa-contest ng linya para sa Buwan ng Pag-ibig.
Mayroon ding libreng blood pressure (BP) checking na inihandog para sa mga pasahero ang mga medical personnel ng MRT-3 sa Ayala Station.
#FebIbigSaMRT3 #MRT3Cares #MRT3LoveTrain