Umabot sa 78,406 ang napagserbisyuhan ng LIBRENG SAKAY ng MRT-3 noong, Hunyo 12, bilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
May 33,987 pasaherong nakinabang sa LIBRENG SAKAY mula 7:00 am hanggang 9:00 am, samantalang 44,419 naman ang nakatanggap nito mula 5:00 pm hanggang 7:00 pm.
Nakapagtala naman ng kabuuang 279,276 ridership ang MRT-3 sa parehong araw.
Ang LIBRENG SAKAY ay simpleng paraan ng MRT-3 upang gunitain ang ika-126 Araw ng Kalayaan kahapon at ipaalala sa mga pasahero ang mahalagang diwa ng okasyon na pagkakaisa, pag-aalay sa kapwa, at pagmamahal sa bayan.
"Ang Libreng Sakay ay simpleng paraan ng DOTr at MRT-3 upang gunitain ang Araw ng Kalayaan, na isang napakahalagang okasyon sa ating pagkabansa. Ito rin po ay isang paalala at panawagan sa ating mga kababayan na patuloy na pangalagaan at ipagtanggol ang ating kalayaan na pinag-alayan ng buhay ng ating mga bayani. Sa bahagi po ng MRT-3, patuloy na magsusumikap ang linya na magbigay ng maayos, ligtas, at maaasahang transportasyon sa ating mga pasahero," saad ni DOTr Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
"Maligayang Araw ng Kalayaan po sa ating lahat at nawa ay patuloy nating isabuhay ang pagkakaisa at pagmamahal sa bayan na diwa ng okasyong ito," dagdag pa niya.