
Umabot sa 29,530 ang karagdagang pasaherong napagsilbihan ng MRT-3 sa unang linggo ng implementasyon nito ng extended weekday operating hours na nagsimula noong March 24. Naitala kahapon, March 28, ang pinakamataas na bilang ng karagdagang pasahero na nasa 8,114.
May kabuuan namang 2,135,454 pasahero na naitala ang MRT-3 mula March 24 hanggang 28, kung saan ang unang tatlong araw (March 24-26) ay tumapat sa jeepney strike sa Maynila.
Pinalawig ang implementasyon ng operating hours ng MRT-3 mula Lunes hanggang Biyernes alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon na mas bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga pasahero lalo iyong mga nagtatrabaho sa gabi.
Extended ng isang oras ang last trips ng mga tren na naging 10:30 pm mula sa dating 9:30 pm sa North Avenue Station at 11:09 pm mula sa dating 10:09 pm sa Taft Avenue Station.