Itataas ng MRT-3 sa heightened alert ang seguridad ng linya mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 5, upang mapanatiling ligtas ang biyahe ng mga pasahero sa darating na Undas.
Ito ay sang-ayon sa direktiba ng Department of Transportation na siguruhing ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong inaasahang magsisiuwian sa mga probinsya para sa paggunita ng okasyon.
May mga security at station personnel na idedeploy upang umantabay at tumugon sa anumang pangangailangan ng mga pasahero.
Tuloy-tuloy din ang koordinasyon sa PNP para sa mga police assistant desks sa mga istasyon.
Regular operating hours naman ang ipatutupad kung saan ang unang biyahe ng tren ay 4:30 am mula sa North Avenue Station at 5:05 am naman mula sa Taft Avenue Station. Samantala, ang huling biyahe ng tren ay 9:30 pm sa North Avenue Station at 10:09 pm naman sa Taft Avenue Station.
"Tuloy-tuloy po ang operasyon ng MRT-3 ngayong darating na Undas. Mangyari lamang din po na sundin ng ating mga pasahero ang mga security protocols sa mga tren at istasyon upang mapanatiling ligtas ang kanilang biyahe. Mayroon po tayong mga security personnel, commuter welfare personnel, at stations personnel para umagapay sa kanila sa biyahe. Maaari ding magreport ng anumang security concern sa mga police assistant desks," sabi ni General Manager Oscar Bongon