Naka-heightened alert na ang seguridad ng MRT-3 para sa kaligtasan ng mga pasahero ngayong Undas.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista na siguruhing ligtas, maayos, at komportable ang biyahe ng mga pasaherong inaaasahang magsisiuwian sa kanilang mga probinsya para sa okasyon.
Naka-deploy na ang mga security at station personnel ng linya upang umagapay sa pangangailangan ng mga pasahero. Maaaring lumapit sa commuter welfare desks para sa anumang katanungan sa buong oras ng operasyon ng linya.
Samantala, may police assistance desks sa mga istasyon, sa pakikipag-ugnayan ng PNP, para sa anumang security concern ng mga pasahero. Mayroon ding mga K-9 units na rumoronda sa mga istasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero laban sa explosives-related security threats.
Regular operating hours naman ang susundin para sa Undas. Ang unang biyahe ay 4:30 a.m. mula sa North Avenue Station at at 5:05 a.m. naman sa Taft Avenue Station. Samantala, ang huling biyahe ng tren ay 9:30 p.m. sa North Avenue Station at 10:09 p.m. naman sa Taft Avenue Station.
Magtatagal ang heightened alert hanggang Nobyembre 5.