Naghandog ng LIBRENG SAKAY ang MRT-3 para sa mga pasaherong marino noong Hunyo 25, bilang pakikiisa ng linya sa taunang pagdiriwang ng Day of the Filipino Seafarer.
Nagkaroon ng LIBRENG SAKAY para sa mga marino sa buong oras ng operasyon ng MRT-3.
Nagpakita lamang ng Seafarer’s Identification and Record Book (SIRB) o PRC ID ang mga marino sa ticket seller o security personnel na naka-istasyon sa service gate upang makakuha ng LIBRENG SAKAY.
"Saludo po ang DOTr at MRT-3 sa mga Pilipinong marino at sa kanilang malaking kontribusyon sa ekonomiya ng ating bansa. Ang amin pong LIBRENG SAKAY ay isang pasasalamat at pagbibigay-pugay sa kanilang hindi matatawarang mga sakripisyo. Mabuhay ang mga Pilipinong marino!" saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.
Ang unang biyahe ng tren sa North Avenue Station ay 4:30 a.m. at 5:05 am naman sa Taft Avenue Station. Samantala, ang huling biyahe sa North Avenue Station ay bandang 9:30 p.m. at 10:09 p.m. naman sa Taft Avenue Station.