Naghandog ang MRT-3 ng ISANG LINGGONG LIBRENG SAKAY para sa mga beterano at isa nilang companion o kasama mula Abril 5-11.
Ito ay bilang pakikiisa ng linya sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans' Week.
Kailangan lamang magpakita ng mga beterano ng valid Identification Card mula sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa security personnel ng mga istasyon.
"Kinikilala po ng MRT-3 ang mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman po bilang tugon sa kahilingan ng Department of National Defense, nais natin pagpugayan at pasalamatan ang ating mga beterano kahit sa simpleng paraan lamang. Ito po ay ang paghahandog ng libreng sakay sa loob ng isang linggo para sa kanila at isa nilang companion," saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Libreng nakasakay ang mga beterano at kanilang kasama sa buong oras ng operasyon ng MRT-3 sa nabanggit na mga araw.