Naglibot si Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino sa depot at mainline ng MRT-3 upang inspeksiyunin ang maintenance works noong Marso 29, Biyernes Santo.
Tiniyak ni Asec. Aquino na nasusunod ang mga nakatakdang maintenance activities sa MRT-3 ngayong araw sa rolling stock, power supply and overhead catenary system (OCS), at mainline tracks.
Kasama rito ang bogie frame repair works sa depot, preventive maintenance ng low voltage panel sa Shaw Blvd Station, at rail grinding works sa mainline.
"Ginagawa po natin tuwing Holy Week ang mga maintenance activities na ito sa buong MRT-3 railway system para naman po mapanatili natin yung maayos na kondisyon ng ating mga tren, tracks, signaling, power supply, at mga pasilidad. Napakahalaga po na nasusunod itong mga scheduled maintenance works natin para na rin maiwasan ang pagkakaroon ng aberya sa ating operasyon," saad ni Asec. Aquino.
"Kaya naman po, talagang nagpapasalamat tayo sa ating mga kawani na pumasok ng Semana Santa para patuloy na magserbisyo sa ating mga pasahero. Maraming salamat po sa inyong sipag at dedikasyon sa paghahatid ng ligtas, komportable, at maaasahang transportasyon sa lahat," dagdag pa ni Asec. Aquino.
Nagtagal ang maintenance works sa MRT-3 mula Marso 28 hanggang 31. Bumalik sa regular na operasyon ang linya noong Abril 1.