
Nag-inspeksyon sa MRT-3 si Transportation Secretary Vince Dizon para makita ang sitwasyon ng mga tren at makisalamuha sa mga pasahero nito sa kasagsagan ng rush hour, Lunes ng umaga, Marso 17.
Kabilang sa mga ininspeksyon ng Kalihim ang Taft, Ayala at Shaw station ng MRT-3, kung saan nakausap ni Secretary Dizon ang ilang pasahero upang mahingan ng mga suhestyon kung paano mapabubuti ang serbisyo ng tren.
Tiniyak ni Secretary Dizon na prayoridad ng Department of Transportation na pabilisin ang pila ng mga pasahero sa tren, at gawing mas maayos ang pagpasok at paglabas ng mga pasahero.
Bibigyang din ng agarang aksyon ang paglalagay ng ilaw sa mga madidilim na bahagi ng mga istasyon, pati na ang paglalagay ng mga covered walkway mula sa mga istasyon ng tren patungo sa iba pang sakayan tulad ng bus at jeep.