Namahagi ng LIBRENG SAKAY ang MRT-3 para sa lahat ng mga pasahero noong Abril 9 sa kabuuang 68,021 pasahero, bilang pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan.
Ang LIBRENG SAKAY ay bilang paggunita sa kadakilaan ng mga bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pasasalamat sa mga Pilipinong patuloy na isinasabuhay ang kagitingan sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa.
"Kami po sa MRT-3 ay kaisa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, at pag-alaala sa katapangan at kabayanihan ng mga Pilipinong nag-alay ng buhay para sa ating kalayaan. At ngayon sa ating modernong panahon, nariyan ang ating mga kababayang patuloy na isinasabuhay ang kagitingan sa porma ng buong pusong paglilingkod sa kapwa. Ito po ang ating mga medical frontliners, mga kawani ng gobyerno, at sa mga manggagawa mula sa pribado at pampublikong sektor, sa loob at labas ng bansa. Ang libreng sakay po na ito ay bilang pasasalamat at pagkilala para sa kanilang lahat na patuloy na nagmamalasakit at nagbibigay-serbisyo sa kapwa para sa ikauunlad ng ating bayan," saad ni Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Mayroong 30,413 na nakalibre ng sakay mula 7:00 am hanggang 9:00 am, at 37,599 naman mula 5:00 pm hanggang 7:00 pm.
Nakapagtala naman ng kabuuang 245,207 ridership ang MRT-3 noong Abril 9.