
Tagumpay ang isinagawang maintenance works ng MRT-3 sa buong linya mula Abril 17 hanggang 20 kasabay ng Holy Week.
Nagpasalamat si General Manager Michael J. Capati sa lahat ng mga kawaning naging bahagi ng Holy Week maintenance.
Lahat ng subsystems ng linya ang isinailalim sa maintenance. Kabilang sa mga ginawa ang replacement ng wornout nang bahagi ng contact wire ng overhead catenary system (OCS) sa mainline, na siyang nagsusuplay ng kuryente sa mga tren. Pinalitan din ng bago ang switchgears sa Guadalupe Station, na siyang nagbibigay-daan upang makontrol ang ligtas na daloy ng kuryente.
Pininturahan ang mga point machine sa tracks, na mahalagang bahagi naman ng signaling system ng MRT-3.
Isinailalim naman sa rail grinding at iba pang maintenance works ang mga riles.
Inisa-isa rin ng mga kawani ang mga escalator at elevator upang kumpunuhin at palitan ng bago ang mga wornout nang piyesa gaya ng step chain. Nilinis din at siniguradong functional ang mga airconditioning unit (ACU) sa mga bagon.
Samantala, pininturahan at nilagyan ng paalala na "Mind the gap" ang mga platform markers sa mga istasyon, bilang bahagi ng maintenance works ng linya.
Nagbalik-operasyon ang linya noong Lunes, Abril 21.