
Alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) General Manager Michael J. Capati, agad na nagsagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad ng mga istasyon ang Engineering Division ng ahensya kasunod ng malakas na ulan na dala ng bagyong Uwan ngayong Lunes, Nobyembre 10.
Sa pangunguna ni DOTr MRT-3 Engineering Division Chief Engr. Jose Rodante Sabayle, kasama ang Oriental Consultants Global (OCG) at TES Philippines Inc., agad na ininspeksyon ang mga power supply, communication system, rolling stocks, signaling, pati na rin ang mga riles at iba pang imprastruktura na posibleng naapektuhan ng matinding pag-ulan na dala ng naturang bagyo.
Sa isinagawang paglilibot ng Engineering Division, wala namang natukoy na pinsala na maaaring makaapekto sa operasyon ng DOTr MRT-3 kasunod ng pananalasa ng bagyo sa Metro Manila mula nitong Sabado, Nobyembre 8, hanggang kaninang tanghali.
Ayon kay Engr. Sabayle, regular na iniinspeksyon ng DOTr MRT-3 ang mga pasilidad at imprastraktura na posibleng maapektuhan ng mga bagyo o iba pang katulad na sakuna upang matiyak na ligtas at maayos ang biyahe ng mga commuter.
Kaninang umaga, kasabay ng pag-commute ni DOTr MRT-3 GM Capati patungo ng opisina, ay ininspeksyon din nito ang mga istasyon ng MRT-3 upang tiyakin ang maayos na operasyon ng linya sa kabila ng masamang panahon.
Tuluy-tuloy naman ang dalawang araw na libreng sakay ng DOTr MRT-3 na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang makapagbigay ng serbisyo sa mga commuter na apektado ng bagyong Uwan sa Metro Manila. Magtatagal ito hanggang bukas, Nobyembre 11.
