We're LIVE! Join us as we stream BAC Activities
​TAPAT NA LADY GUARD NG MRT-3, KINILALA

By King Al Mendoza on July 27, 2021 under News

May be an image of 2 people, people standing and text that says 'AP'

Kinilala ng pamunuan ng MRT-3 si Anafe Advincula, isang lady guard ng linya na nagsauli ng pouch na may lamang higit P18,000 matapos maiwan ng pasahero sa isa sa mga istasyon ng MRT-3.

Tumanggap ng Certificate of Commendation at cash reward si Advincula mula kay MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard D. Eje, na humanga sa angking katapatan ng lady guard, katangiang aniya'y ipinapamayani ng linya sa mga empleyado nito.

"Talagang napakaganda nitong ginawa niya, at nagrereflect iyon sa lahat ng empleyado. Kahit sa maliit na paraan, sana ay naiparating natin ang pagkilala sa nagawa niyang kabutihan," ani Asec. Eje.

Gabi ng 13 Hulyo 2021 noong nakatalaga bilang baggage inspector si Advincula sa GMA-Kamuing Station nang may mamataan siyang isang pouch, na agad naman niyang isinurrender sa kanilang supervisor. Napag-alaman na lamang ni Advincula na naglalaman pala ang pouch ng cash na nagkakahalagang P18,480, kasama ang ilang identification cards.

Nang balikan ng may-ari ang naiwang pouch, laking pasasalamat umano nito kay Advincula pagkat aniya'y nagmula pa ang pera sa abuloy ng namayapang asawa.

"Natutuwa po ako, dahil natulungan ko rin po yung matanda. Marami na rin po ako naexperience na nakakaiwan ng mga gamit, ibinabalik ko po talaga dahil iyon naman po ang tungkulin namin bilang guwardiya," ani Advincula, na nasa 10 taon ng guwardiya ng MRT-3.

Nagpasalamat naman si Advincula sa pagkilalang natanggap.

"Maraming salamat po kay Asec. Eje at sa buong MRT-3 para sa pagkilalang ito. Isa po itong karangalan at inspirasyon upang mas pagbutihan ang pagtrabaho," aniya.