We're LIVE! Join us as we stream BAC Activities
HINIKAYAT NI MRT-3 OIC-GENERAL MANAGER ASEC. EYMARD EJE ANG MGA PASAHERO NG MRT-3 NA MAGPABAKUNA KONTRA COVID-19

By King Al Mendoza on June 25, 2021 under News

May be an image of 1 person, sitting and text that says '" MetroRail .LNE Hinihikayat natin ang mga pasahero na maging bahagi ng solusyon upang mawakasan ang pandemya. Magpabakuna po tayo laban sa COVID-19--libre, TRANSPORTATION mabisa, at safe po ito. Asec. Eymard D. Eje MRT-3OIC-GeneralManager MRT-3 OIC-Genera Manager www.dotrmrt3.gov.ph'

Hinikayat ni MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje ang mga pasahero ng MRT-3 na magpabakuna kontra COVID-19, kasabay ng pagpapabakuna ng mga empleyado ng linya ng first dose ng vaccine laban sa sakit.

"Alam natin sa sektor ng transportasyon na napakahalaga ng pagpapabakuna, kaya hinihikayat din natin ang mga pasahero na maging bahagi ng solusyon upang mawakasan ang pandemya. Magpabakuna laban sa COVID-19--libre, mabisa, at safe po ito," ani Asec. Eje.

Noong ika-23 ng Hunyo 2021, nasa 100 empleyado ng MRT-3 na binubuo ng mga stations personnel gaya ng train drivers at depot personnel ang matagumpay na nabakunahan sa East Avenue Medical Center, bilang bahagi ng vaccination rollout ng Department of Transportation.

Layon ng aktibidad na mabakunahan ang karamihan sa mga empleyado sa sektor ng transportasyon, sa direktiba ni Sec. Art Tugade, upang maprotektahan ang mga ito at ang mga pasahero laban sa COVID-19.

Ipinaalala ni Asec. Eje sa publiko lalo iyong kabilang sa priority list na ligtas at epektibo ang pagpapabakuna upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, kasabay ng mahigpit na pagsunod sa mga minimum health at safety protocols na ipinatutupad ng gobyerno.

Patuloy na ipinatutupad ng pamunuan ng MRT-3 ang "7 Commandments" sa Pampublikong Transportasyon, na base sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan: 1) Laging magsuot ng face mask at face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain; 4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at 7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.

Kasalukuyan nang binabakunahan ang mga nasa A4 category ng COVID-19 priority list, kabilang ang mga government employees at economic frontliners.